ANG TUNAY NA PAGLAYA AY NASA KAMAY NG URING MAGSASAKA
(Tungkol sa paksang Piyudalismo at Reporma sa Lupa
ng PLRM, Mayo 28, 2015)
Bobby M. Tuazon
Director for Policy Studies
Center for People Empowerment in Governance (CenPEG)
www.cenpeg.org
Ang usapin ng lupa ay laging nasa sinapupunan ng mga makasaysayang pakikibaka ng sambayanan sapul pa ng panahon ng kolonyalismo – mula sa mga mumunting pag-aalsa, hanggang sa mga paghihimagsik, hanggang sa unang rebolusyon sa Asya noong 1896; hindi ito napigil noong Digmaang Pilipino-Amerikano; at lumarga sa maraming paghihimagsik at rebelyon pagkalipas ng direktang kolonyalismo; na nagtuloy-tuloy sa kontemporaryong pakikibaka para sa lupa, na, kung ating matatandaan, ay humantong sa pagpapabagsak sa diktadurang Marcos noong 1986; at rumaragasa ngayon sa pambansang armadong rebolusyong isinusulong sa kalakhan ng uring magsasaka. Sa mga nasabing makasaysayang pakikibaka, ang mga kolonyal na mananakop at reaksyonaryong rehimen ay gumamit ng matinding karahasan laban sa mga rebeldeng magsasaka, na tinawag nilang “bandido” at “terorista.”
Ang ganting salakay ng mga reaksyonaryong administrasyon ngayon – maging laban sa mga lehitimo at mapayapang protesta ng mga organisasyong magsasaka -- ay walang ipinagkaiba sa mga masaker, pwersahang pagpapalayas, at iba pang pagmamalupit sa mga magsasaka mula Luzon hanggang Mindanao, pati na sa mga magsasaka sa kabundukan ng Cordillera at iba pang katutubong pamayanan, kabilang ang mga Lumad at Muslim sa Bangsamoro. Kailangang idiin, gayunman, na ang inhustisyang ipinapataw sa magsasakang Pilipino – at sa malawak na masa ng sambayanan, sa katunayan – ay hindi lamang sa anyo ng dahas ng bala kundi ng dahas ng mga ahensya ng estado at sistema ng korte (o court system). Kaytagal nang natutunan ng magsasakang Pilipino na tanging sa kolektibong pagtutol lamang nila masasagkaan ang karahasang ginagawa sa kanila ng estado kaugnay ng kanilang makatarungang pakikibaka para sa lupa.
Ang paglaya ng uring magsasaka mula sa pagkaaliping pyudal, at mula sa kahirapan at inhustisyang panlipunan, ay hindi magmumula sa mga panginoong pyudal o sa gobyernong nagsisilbi sa mga nasabing panginoon. Anumang repormang gagawin ng uring panginoong maylupa sa pamamagitan ng gobyerno ay pangunahing nakadisenyo upang patahimikin ang panlipunang ligalig o upang pahupain ang armadong rebolusyon na likha ng umiiral na pagkaaliping pyudal. Matutukoy ang mga ganoong mapanlinlang na reporma sa karamihan ng mga proyekto sa tenancy relations at land settlement mula noong dantaong 1900 hanggang noong matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Halimbawa, ang kunwa’y biniling may 166,000 ektarya ng lupang prayle noong maagang yugto ng panahon ng kolonyalismong Amerikano ay napunta lamang sa sandakot na panginoong maylupa (o landed elite) habang ang patakarang free trade ng U.S., na naging daan kung bakit ang Pilipinas ay naging pangunahing pinagkukunan ng mga hilaw na materyales at cash crops, ay humantong naman sa pagbubukas ng malalaking plantasyon sa Kabisayaan at Mindanao, na nagsimulang umiral kaalinsabay ng mga tradisyonal na asyenda sa Luzon.
Noong 1954, wala ring silbi ang Land Tenancy Act na tadtad ng butas na legalidad na pumapabor sa mga panginoong maylupa sa kabila ng sharing arrangements nito. Ang PD 27 ni Ferdinand Marcos naman noong panahon ng batas-militar ay ganap na huwad dahil limitado lamang iyon sa mga lupaing tinatamnan ng palay at mais; ang mga manggagawang bukid sa mga lupaing sinasaka ng mga kasamà ay inietsa-pwera ng nasabing batas. Ang resulta, naging simpleng pirasong papel ang PD 27 – pinayagan nito ang mga panginoong maylupa na tamnan ng iba ang mga lupaing dapat sana ay saklaw ng batas; at naging daan rin sa malawakang pagpapalayas at ibang anyo ng karahasan na dinanas ng mga kasamàng magsasaka o yaong hindi nagmamayari o umuupa ng lupa.
Sa halip na ipagyabang bilang centerpiece program ni Corazon Aquino, ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP, 1988-2014) ay mas dapat tawaging pinakamalaking pandurugas ng lahat ng panahon. Sa panahong si CA – isang malaking panginoong maylupa - ay naging presidente noong 1986, 90% na ng tanimang lupain ay pag-aari ng may 10% lamang ng populasyon. Nang magkabisa noong 1988, ang CARP ay isang hungkag na instrumentong pampulitika para sagkaan ang sumusulong na radikalisasyon ng kilusang magbubukid – na lubhang lumakas noong panahon ni Marcos – at upang kabigin ang ilang lider nito tungo sa repormismo at palayo sa makabuluhang pagbabago. Ang estratehiyang kontra-insurhensyang Low-Intensity Conflict (LIC) ng militar ng U.S. sa Pilipinas ay sumuporta din sa CARP bilang bahagi ng “komprehensibong” solusyong pang-ekonomya sa ligalig at insurhensyang magsasaka. Ipinagyabang ng Kongresong dominado ng mga panginoong maylupa at ng mga sangay-ehekutibo ng gobyerno na ang CARP ay magiging sandata ng katarungang panlipunan habang nagmamaniobra sila na manatili sa sandakot na panginoong maylupa o landed elite ang karapatan sa pag-aari ng mga lupain: una, sa pamamagitan ng pagpapaliit ng mga lupang “dapat-repormahin” mula 10.3M ektarya hanggang 8.2M ektarya, na sinundan pa ng mga limitasyon sa retensyon, eksempsyon, at ekslusyon gaya ng mga pakanang stock distribution option, land-use conversions (tulad ng kumbersyong komersyal, residensyal, at eko-turismo), voluntary land transfer (VLT), voluntary offer to sell (VOS), at mga pakanang leaseback. Lahat nito ay nauwi sa pagpapalayas sa malalaking bilang ng mga pamilyang kàsama.
Ang pagiging inutil ng reporma sa lupa sa pamamagitan ng iba’t ibang susog na lehislatiba ay nagsimula bago pa man lumarga ang CARP. Ito ay isinulong kasabay ng pananakot ng mga despotikong asendero sa pamamagitan ng kanilang mga pribadong sandatahang armi laban sa mga grupong magsasaka na nagbunga sa maramimg masaker sa Negros at iba pang rehiyon. Patunay na isa lamang malaking pandurugas ang CARP ay ang magarbong paglulunsad nito kasabay ng pagtutok ng baril – o “Total War Policy” - laban sa uring magsasaka sampu ng mga organisadong pambansang demokratikong aktibista sa ilalim ng estratehiyang kontra-insurhensyang LIC na pinamunuan ng US.
Inilalantad ng mga independyenteng ulat, taliwas sa sinasabi ng DAR, na sa 27 taon ng CARP, nananatiling 1% lamang ng populasyon ang nagmamay-ari sa halos 1/5 ng kabuuang lupaing agrikultural ng bansa; ang mga dambuhalang plantasyon at asyenda ay nanatiling pag-aari ng mga panginoong maylupa sa iba’t ibang pakana; samantalang 8 sa 10 magsasaka ay nanatiling naghihirap sa ilalim ng sistemang kasamà. Dagdag pa, umaabot sa 1.5M ektarya ng lupa na sinasabi ng DAR na naipamahagi na ay wala sa kamay ng mga benepisyaryo ng CARP.
Sa kabilang banda, ang CARP, na ipinatupad sa panahon ng globalisasyong tulak ng market economy, ay lalong nagpaliit sa produktibidad ng lupain ng bansa dahil ang buong ekonomya nito ay naging palaasa sa farm imports laluna ng bigas at asukal. Sa paglubha ng kahirapan at disempleyo sa kanayunang bukid, mas maraming Pilipino – 7 sa 10 – ang nagsasabing sila ay mahirap ngayon. Ang agwat ng kita ng mayaman at mahirap ay lalong lumaki sa ilalim ni Benigno Aquino III: Noong 2014, ang net worth ng 40 pinakamayayamang Pilipino ay lumobo sa $72.2 billion (PhP 3 trillion) o katumbas ng pinagsamang kita ng 60 milyong Pilipino. Sa Southeast Asia, ang income disparity sa Pilipinas, ayon sa Gini coefficient, ang siyang pinakamalaki.
Katunayan, ang kawalan ng tunay na reporma sa lupa at ng pamamahagi ng lupa ay hindi aksidente; sa halip, ito ay luwal ng isang sistemang pampulitika na pinangingibabawan ng dominanteng uring maylupa -- kakampi ng iba pang dominanteng elite interest – na siyang nagmomonopolyo sa poder. Pyudalismo ang patuloy na bumubuhay sa mga istrukturang pampulitika ng bansa, na nagbibigay-laya sa mga dinastiyang pamilya upang maghari sa pambansa at lokal na antas. Ang pag-aari sa lupa ng iilan ay kaytagal nang nakakubabaw sa gobyerno, at nitong kalilipas na mga dekada, ang kanilang mga interes ay lumawak pa at nag-iba-iba ng anyo ng monopolyo, kabilang ang real estate, energy distribution, konstruksyon, banko, shipping, shopping malls at otel, at maging sa midya at logistics/forwarders.
Sa mga bagong industriya man o pag-aari sa lupa, nananatili ang pyudal na relasyon – at ang kaayusang ito ay nananatili rin sa anyo ng political patronage na ipinamamarali ng uring dominante sa panguluhan, Kongreso, at maging sa mga local government units (LGUs). Ang panguluhan, sapul simula naman, ay dominado ng elite – pinapatakbo ng punong ehekutibo ang burukrasya na tila siya ay isang panginoong pyudal: Libo-libong mahahalagang posisyon sa gobyerno ay pinupunuan sa pamamagitan ng pabor-pampulitika dahil ang civil service eligibility ngayon ay maliit na bagay na lamang. Sa kabila ng konstitusyonal na pagbabawal sa mga dinastiyang pampulitika, na ang paglawak ay nakaugat sa monopolyo sa lupa, ang Kongreso ay nananatiling dominado ng mga nasabing dinastiya – halos 75% sa mababang kapulungan, 80% sa Senado, samantalang ang Partylist naman ay nanangamba na ring mapasailalim sa dominasyon ng dinastiyang pulitika. Sa suma, pinapayagan ng mga istrukturang pyudal ang patuloy na pangingibabaw ng elite, na kumakamkam sa kapangyarihan at maging sa mga rekurso, na inilalaan naman sa pork barrel, korupsyon, at sa higit pang pagkakamal nila ng kayamanang pang-ekonomya. Ang pagpapanatili ng paghaharing elite sa pambansa o lokal mang antas ay pinagiging-lehitimo ng sistema ng eleksyong isinusubo ng U.S., na gumagarantiya sa “pananalo” ng mga dinastikong pulitiko, gamit ang poder, salapi, at kalimitan, pandaraya.
Sa harap ng mga nasabing kondisyon – at makalipas ang higit sa 100 taon ng samutsaring huwad na reporma sa lupa – walang magagawa ang uring magsasaka kundi ang maggumiit sa kanilang pakikibaka para sa tunay na paglaya, kapwa bilang isang kalipunan, at sa mahigpit na pakikiisa sa ibang pwersang demokratiko sa bansa. May hiyas na aral mula sa dugo at mga sakrispisyong inihandog sa mga dantaong pakikibaka: Hindi kailanman mailalagak ang inyong tiwala at pag-asa sa isang gobyernong pinaghaharian ng – at kumakatawan sa -- mga oligarkong panginoong maylupa, sa sandakot na kumokontrol sa komersyo (business elite), at sa dayuhang monopolyo-kapitalismo.
Ang paglaya ng uring magsasaka ay ang paglaya mula sa pyudal na pagkaalipin sa pamamagitan ng tunay na repormang agraryo at ang pagwasak sa paghahari ng uring panginoong maylupa. Sa buong daigdig, walang bansang umunlad na hindi dumaan sa paglaya ng uring anakpawis mula sa kuko ng mga mapagsamantalang naghaharing-uri at dayuhang pandarambong, sa pagtatayo ng bago at matatag na pampulitikang kaayusan na nagsisilbi para sa karapatan at interes ng malawak na mamamayan, at ang pagkakaroon ng pambansang industryalisasyon tungo sa pantay-pantay at kumprehensibong pagunlad ng mamamayan. ◙
(Salamat kay Boni Ilagan sa pagsalin nito mula sa English.)